September 18, 2016 – Styro and Plastic Bag Recovery Caravan

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Panahon ng Paglikha, kaming mga taga Ministry on Ecology sa St. John the Baptist Parish ay naglunsad ng activity kung saan ay maipadama namin ang pagmamahal at pangangalaga natin sa kalikasan.
 
Nagsagawa kami ng styro/plastic bag exchange caravan noong ika-18 ng Setyembre mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Polystyrene Packaging Council of the Philippines (PPCP) at ng Philippine Plastic Industry Association (PPIA), kasama ang CENRO ng siyudad ng San Juan. Sa exchange scheme na ito, ang sampung plastic sando bag/styro cups, plates o food trays ay papalitan ng coffee stick, ang 15 piraso ay papalitan ng toyo at suka, at 25 piraso naman ay papalitan ng cupcake. Sa tulong ng ating parish newletter ay nai-announce ang exchange caravan. May mga flyers din na ipinamigay para ipaalam ang activity na ito.
 
Sabado ng hapon pa lang ay abala na kami sa paglinis ng venue, pagkabit ng tarpaulin at visual aids, at paglatag ng iba’t ibang mga bagay na gawa mula sa ating mga itinatapong bagay na pwede pang pakinabangan, i-recycle o i-reuse. Halimbawa nito ay mga alkansya mula sa tube rolls; gamit na straw at plastic bag; lumang magazine na papel para maging coasters, pitaka, celphone case, shoulder bag, pencil holder; mga gamit pambahay gaya ng gasera mula sa lumang gamit na mantika; at marami pang iba.
 
Noong Linggo, nagpalabas ng maiksing video clip bago magsimula ang misa, kung saan nanawagan ang Santo Papa sa pakikiisa sa pangangalaga ng Inang Kalikasan.Sa kagandahang-loob ng PPCP at Ministry on Ecology, pinakain namin ng lugaw na may itlog ang humigit kumulang na 170 na batang nagsimba ng alas-4:00 ng hapon sa ating Children’s mass. Marami-rami rin ang tumugon pero taliwas ito sa inasahan naming mas marami pa sanang parishioners at church workers na magpapapalit. Nakasampung big, black bags din kami kasama ang PEP bottles. Kadalasan, ganito daw ang nangyayari kapag first time pa lang itong inilulunsad. Inaasahan namin na sana sa mga susunod pang pagkakataon, mas marami na ang magpapalit upang tuluyan ng maging “way of life” ng lahat ang pag-recycle, pag-segregate at pangangalaga sa kalikasan
 
Labis kaming nagpapasalamat sa aming mahal na kura paroko sa suporta, pagpayag at pakikiisa sa gawain nating ito, kasama ang aming Ecology Industry Partners. Unang beses pa lamang itong naganap sa ating parokya. Sa mga susunod na ECOLOGY SUNDAY (na kadalasa’y tuwing huling Linggo ng buwan), ay ipagpapatuloy namin ang pagtanggap ng mga  recyclables with potential sa ating parokya. Taos puso rin kaming nagpapasalamat sa lahat nang nakiisa at tumugon.  
 
Sa ating Dakilang Manlilikha ang aming walang hanggang pasasalamat sa pagiging matagumpay ng gawain naming ito na ginabayan Niya. Bilang mga Kristiyano ay may pananagutan tayong maging tapat at masigasig na katiwala at tagapangalaga ng Sangnilikha. Hinihikayat namin ang lahat na kumilos, magtulungan at magdasal upang may maipamana pa tayong yaman ng Inang Kalikasan para sa susunod mga susunod pang henerasyon.
Ni: Sis. Tess Silabay

Leave a Reply

Your email address will not be published.